Ang mga sumusunod ay mga katanungan at kasagutan sa panayam ng mga mananaliksik sa POEA.
1.) Kada taon, ilan ang nagpapadalang OFWs?
- Ang average ay 800,000 hanggang 1,000,000 ang pinapadala, ang pinapalabas na OFW. Actually hindi napapadala eh, lumalabas. Sila ang may gusto no’n. Kung tutuusin ang POEA hindi talaga, kung pwede lang, hindi lalabas ng Pilipinas, pero syempre wala tayong magagawa, gusto talaga ng mga taong lumabas. So what we can do is manage their deployment.
2.) Paano ang proseso ng pagpapadala ng remittances? Nakakaltasan ba ito ng buwis?
- Maraming paraan, pero yung legal na paraan ay sa pamamagitan ng bangko at saka yung remittance services tulad ng Western Union. Sa internet mayroon din namang mga services ngunit hindi gaano yun nagagamit ng mga OFWs.
(May tax po ba yun?) Oo, pero mahal yung sa Western Union, may tax na kasama na iyon.
3.) Ano ang kadalasang trabaho ng mga OFWs? Magkano ang sweldo?
- Marami ang mga DH, pero naniniwala ako na marami paring ibang trabaho tulad ng engineers, nurses, teachers, andoon pa rin yung mga professionals. Actually gumagawa ng batas ang gobyerno, kung pwede lang mawala na itong DH na ito. Tayong mga Pilipino we don’t want to be labeled as Domestic Helpers. And the efforts good, nababawasan talaga yung labas ng mga Domestic Helpers. Tinataasan yung sweldo; dapat ganito sweldo niyo, hindi dapat kayo pumirma niyan. Meron kaming ganon. To inform, to educate. Dapat kung DH ka, at in-offer sayong sweldo ay $150-200, hindi pwede yan, bawal yan. Pwede naming kasuhan yung agency mo, pwedeng hindi ka naming palabasin. Kasi dapat $400 ang minimum.
4.) Saan-saang bansa kadalasan pumupunta ang mga OFWs?
- Bawat taon nababago yung top 10 countries. Naglalaro lang iyon, hanggang ngayon 15-20 years na, parating number 1 ang Saudi Arabia. Kahit sabihin na nating medyo mataas ang welfare cases sa Saudi Arabia, mataas pa rin ang deployment papuntang Saudi, siguro dahil madali lang makarating doon. Hindi gaanong stiff ang requirements, stiff ang competition. Halimbawa, kailangan talaga ng karanasan na dalawa hanggang tatlong taon. Malakas ang kumpiyansa nila sa sarili na kahit bagong gradweyt ka, under board lang, tulad ng mga nars—mayroon kaming programa, kapag Muslim ka, kapag nursing graduate ka, kahit hindi ka board passer, basta Muslim ka, tanggap ka. Madali rin ang requirements sa United Arab Emirates. May panahon din na tumaas yung demand ng Korea at saka ng United Kingdom. United Kingdom noong 2001- 2003, nagkaroon ng demand para sa mga nars kasi aging population sila tapos walang gustong maging nars. Eh biglang nag-overflow na yung demand, nawala. Sa South Korea naman, ganon din, lumakas din yung demand para sa factory workers, kasi nga nag boom yung ekonomiya nila at biglang nasagot naman yung pangangailangan nila para sa factory workers. Biglang nag-lie low yung demand.
5.) Anu-ano ang mabuting epekto ng pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa? sa ating bansa?
- Syempre economically, oo, nakakaangat sila sa buhay. Epekto niya sa ekonomiya ng Pilipinas, paulit-ulit nalang, ganon na lang parati ang binabanggit na humihingi tayo sa investment ng mga OFWs para isalba ang ekonomiya ng Pilipinas. Totoo naman kahit papaano, kaya nga sila nandoon para makapagpadala sa pamilya. Sa totoo lang maraming bad side ito. Sa aming seminar, sinasabi na kung mag-aabrod tayo, dapat isipin muna natin yung mga bagay-bagay ng mabuti kasi habang tumatagal may mga side effects ito. Sabihin na nating economically speaking mag-gegain ka dito, pero paano naman yung pamilyang iiwanan mo, ano sa palagay mo ang epekto sa anak mong maliit na mawawalan ng ama, lalaking walang ama, makikita ka lang kada tatlong taon, dalawang taon o kada anim na buwan. Noong 60’s, 70’s, 80’s ang mga bata ay hindi nakaranas ng ganito; buo yung pamilya. Ibang klase yung values nung mga ganoong henerasyon. Paano yung mga ipinanganak ng late 80’s, at ng 90’s na may kapamilyang OFW, iba yung values. May mga ibang tao rin na gustong mag-abrod pero hindi sila handa. Ang nangyayari, nasisira nila yung kontrata nila na uuwi na sila, hindi lang rin sila ang nasira pati na rin yung Pilipinas, mga Pilipino. Kahit isa lang siya, pero yung kapalpakan ng isa kapalpakan din ng iba. Kaso mas marami pa rin yung magagaling na Pilipino kaya naiiwasan iyon. Kung pwede nga lang walang naloloko, illegally recruited, kaya may mga kompanyang ginagawa ang gobyerno. Pinapaalam sa mga tao na iwasan ang mga ganitong klaseng manloloko para hindi kayo maloko, hindi masayang ang perang i-iinvest niyo para makapag-abrod lang. (Ano po kaya yung rason kung bakit mas pinipili nilang mag-abrod kaysa magtrabaho dito? Isa po bang salik yung mababang employment rate?)
May mga study base ang mga Vietnamese na parliament members dito, isa sa mga resource person namin ay yung may-ari nung ahensya. Sabi nya isa sa mga rason kaya nag-aabrod ang mga Pilipino ay dahil sa kanilang mga pamilya. Isa pa sa mga rason ay hindi kayang tugunan ng mga industriya dito yung pangangailangan ng mga tao dito, lalo na yung mga bagong gradweyt. Doon pa lang sa mga bagong gradweyt, paano pa kaya yung mga lumang gradweyt.
6.) Anu – ano ang masasamang epekto ng pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa, partikular sa ekonomiya?
- Sa aking pananaw, habang tumataas yung dollar rate, mas nagugustuhan ng mga OFWs, samantalang mas maganda kung $1 is to 1Peso.
7.) Napapabagal ba ng mga OFWs ang ekonomiya?
- Wala silang balak pabagalin ang ekonomiya, so hindi ko siya masasagot. Pero sa ngayon naman hindi natin masasabi na napapabagal nga nila. Yung ang problema natin, yun ang ine-educate namin sa kanila, bakit hindi na lang natin pagyamanin kung ano ang meron sa atin at makuntento na tayo dito.
8.) Ano ang inyong palagay sa “brain drain”?
- Marami pa rin namang tao na pinipiling manatili dito sa Pilipinas. Kung mag-abrod sila, turista lang. Wala pa namang nangyayaring ganito.
9.) Kapag tumaas ang piso ano’ng mangyayari sa remittance?
- Ayaw ito ng mga OFWs. Mas makakabuti ngang tumaas ang Piso pero pag ganon ang mangyari, posibleng magsiuwian sila. Ang tanong: may trabaho bang naghihintay sa kanila? Isa pa rin yun sa mga dapat pag-aralan.
(Ganon po ba talaga kababa ang employment rate sa Pilipinas?)
Oo, siguro kailangan pa ng mas maraming investors dito sa Pilipinas.
10.) Ano ang epekto ng OFW kapag napapauwi sila sa Pilipinas?
- Syempre problema yun kasi hahanapan namin sila ng trabaho, yung iba hindi na makapaghahanap ng trabaho, o hindi nakukuntento kung ano pa man ang meron dito. Sa totoo lang, maraming trabaho. Hindi lang talaga tayo nakukuntento kung ano ang meron.
No comments:
Post a Comment