Sunday, March 21, 2010

Kabanata III: Kasalukuyang Kalagayan ng Ekonomiya ng Pilipinas

Ayon sa “The World Factbook” na ginawa ng “Central Intelligence Agency”, ang paglago ng ekonomiya ng bansa mula sa taong 2001, simula nang manungkulan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay tumataas ng limang bahagdan kada taon. Ngunit dumadami ang bilang ng mga mahihirap sa kanyang termino bilang pangulo dahil na rin ito sa pagtaas ng populasyon sa bansa. Upang maiwasan ang “fiscal crisis” sa bansa, sinusulong ng pangulo ang bagong panuntunan ukol sa kita na nagresulta sa paghihigpit sa paggastos. Sa ngayon, ang pagtatayo ng mga imprastraktura at mga serbiyong panlipunan ang mga posibleng hakbang para tumaas ang ekonomiya ng bansa. Ngunit, ang ekonomiya ng bansa ay nahaharap pa rin sa mga pangmatagalang suliranin. Ang Pilipinas ay dapat panatilihin ang pagbabago at pagpapaunlad upang makahabol sa mga kalapit na bansa at nang sa gayon, mapalakas ang palitan ng produkto, mapabuti at mapadami ang oportunidad sa mga Pilipino, at maiwasan at mabawasan ang kahirapan. Dahil sa paggastos ng malaki ng gobyerno upang mapabuti ang ekonomiya ng bansa, nagdudulot ito ng kakulangan ng pondo sa ibang sektor na naglilimita sa gobyerno na makamit ang kabuuang pag-unlad ng ekonomiya.

Ayon sa mga estatistika mula sa “The World Factbook”, tumaas ang GDP o ang “Gross Domestic Product” (ito ang mga produkto at serbisyo na naisagawa sa loob ng isang bansa) ng bansa mula sa 322 bilyong dolyar nang nakaraang taon, umakyat ito sa 327.2 bilyong dolyar. Ngunit, bumaba ang paglago ng GDP mula sa dating 3.8 bahagdan nang nakaraang taon ay naging 1.6 bahagdan na lamang ito. Bumaba rin ang “GDP per capita” mula sa dating 3,400 na dolyar nang nakaraang taon ay naging 3,300 dolyar na lamang ito. Ang lakas-paggawa naman ay umaabot sa 37 milyon nang nakaraang taon, 35 bahagdan ng mga ito ay mula sa sektor ng agrikultura, 15 bahagdan naman mula sa sektor ng industriya at sa sektor ng mga serbisyong panlipunan naman ay umaabot sa 50 bahagdan. Ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa ay tumaas mula sa 7.4 bahagdan ng nakaraang taon ay naging 8 bahagdan na ito. Ang bilang naman ng mga Pilipinong naghihirap ay nasa 30 bahagdan. Pagdating sa pondo, ang kita ng gobyerno ay 23.29 bilyong dolyar ngunit ang ginagastos naman ng pamahalaan ay umaabot 23.23 bilyong dolyar. Ang inilalabas na produkto ng bansa ay bumaba mula sa 48.2 bilyong dolyar ng nakaraang taon, bumaba ito sa 36.18 bilyong dolyar samantalang ang mga inaangkat na produkto ay bumaba mula sa 60.78 bilyong dolyar ng nakaraang taon, bumaba ito sa 46.12 bilyong dolyar ngayong taon.

Sa pangkalahatan, masasabi na may mga salik na nagpapataas at nagpapababa ng ekonomiya ng bansa kahit malaki ang naitutulong ng mga Overseas Filipino Workers sa pamamagitan ng kanilang “remittances” na ipinapadala nila dito sa bansa. Ayon sa mga libro sa ekonomiks partikular na ang libro na may pamagat na “Ekonomiks Ngayon: Pinagaan at Pinaunlad”, ang “labor force” o ang bilang ng manggagawa sa loob ng bansa ang pangunahing salik sa pagmatagalan pag-unlad ng bansa at pangunahing salik sa pagpaparami ng paggawa ng mga bagong produkto o serbisyo.


A. Mga salik na nagpapabagal sa ekonomiya ng bansa

Ayon kay Michael M. Alba, isang ekonomista mula sa Estados Unidos, mabagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas dahil mas matanda ang lakas-paggawa ng Pilipinas kaysa sa ibang bansa sa Timog-Silangang Asya maliban sa Malaysia, dahil na rin ito sa paglipat ng mga mas batang lakas-paggawa ng Pilipinas sa ibang bansa upang doon magtrabaho. Ayon pa sa ekonomista, kung ikukumpara ang edukasyon sa Pilipinas at sa bansang Thailand, hindi maikakailang mas lamang ang Pilipinas pagdating sa larangan na ito ngunit dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno, hindi gaanong nabibigyan ng kalidad na pagsasanay ang mga kabataan. Ayon pa sa ekonomista, wala pa sa tatlong bahagdan ang ibinibigay ng pamahalaan na pondo sa Kagawaran ng Edukasyon at bukod pa rito, pagdating sa larangan ng matematika at siyensya ay mahina ang kurikulum ng edukasyon sa Pilipinas. Isa pang salik nito ay ang matematika at siyensya, at pag-iinhinyero ay hindi gaanong napapansin pagdating ng mga kabataan sa kolehiyo. Humihina ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa pagbaba ng lakas-paggawa sa loob ng bansa, ang patuloy na paglobo ng poplusayon sa bansa, at kakulangan ng pondo at masistemang kurikulum sa larangan ng edukasyon. Dagdag pa ng ekonomista, kulang pa ang mga namumuhunan sa bansa na magbibigay ng trabaho sa manggagawang Pilipino.

Ayon kay Hall at Jones, mga ekonomista rin mula sa Estados Unidos, kaya bumabagal ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng imprastraktura sa bansa. Ayon sa dalawang ekonomista, ang mga imprastraktura ang pundasyon ng ekonomiya dahil ito ang nagtataguyod ng mga produktibong trabaho para sa mga manggagawa na makapagbibigay ng mas maraming kapital at magpapabilis sa paggawa ng bagong imbensyon at teknolohiya na magreresulta sa pag-angat ng kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino. Dagdag pa ng dalawang ekonomista, bumabagal ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng teknolohiya sa larangan ng agrikultura. Ang mga teknolohiya sa larangan ng agrikultura ang magpapabilis at magpapadami ng ani ng mga magsasaka na maaaring iluwas sa labas ng bansa na magbibigay ng kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Ayon pa sa dalawang ekonomista, natural o likas talaga sa mga bansa na naging kolonya ng mga bansa na nasa Europa at ng Estados Unidos ang pagbagal ng ekonomiya ng bansa, dahil sa mga dahilan na ito: una, ang mga likas na yaman na naging kolonya ng mga makapangyarihan na bansa ay kinamkam ang mga ito at pangalawa: dahil sa hindi agad namulat ang mga kolonyang bansa sa pandaigdigang kalakalan, hindi sila nakakasabay sa kumpetisyon sa pag-angkat at pagluwas ng mga iba’t-ibang produkto.

No comments:

Post a Comment