Sunday, March 21, 2010

Kabanata V: Sanhi at Bunga ng Pagdami ng mga Overseas Filipino Workers

A. Mga pangunahing sanhi

Maraming sanhi ng paglabas ng mga manggagawang Pilipino sa bayang sinilangan. Batay sa teorya ni David Ricardo, ang ‘labor theory of value’, ang halaga ay nagmumula sa paggawa, ngunit paano nga ba gagawa kung wala rin namang posisyong nakalaan para sa mga manggagawa? Isa sa mga pangunahinng salik nito ay ang “malala” nang kawalan ng trabaho dahil sa krisis pang-ekonomiya na tinatamasa ng bansa. Ayon kay Susan Ople, isang undersecretary sa ‘tulay’ program at ng Ople Center, totoo nga marahil na kulang pa rin sa pondo ang inaalok ng gobyerno sa sektor ng serbisyo, industriya at paggawa. Dahil sa kawalan ng trabaho sa bansa, natutulak na mangibang-bayan ang mahigit sa 8.3 milyong Pilipinong migranteng manggagawa o ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Araw-araw 3,400 OFWs ang naipapadala sa ibang bansa para magtrabaho, at nakabatay naman ito sa 2009 estatistika ng DOLE ukol sa bilang ng mga umaalis na OFW sa bansa. Patunay ito na paparami pa ring manggagawa ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil sa kawalan ng sapat na trabahong lokal. Ayon kay Romeo Lagman, kasalukuyang undersecretary for employment and manpower development ng DOLE, napakalaking kawalan ito sa parte ng Pilipinas dahil karamihan ng mga umaalis ay mga bagong tapos pa lamang sa kolehiyo at napipilitang magtrabaho sa ibang bansa sa pag-asang doon matatamasa ang seguridad sa trabaho. Itinuturing namang “brain waste” para sa mga bansang pinupuntahan nila dahil ang mga OFW ay pumapasok sa mga trabahong mas mababa sa antas ng kanilang kasanayan. Ilang halimbawa nito ay mga doktor na namamasukan bilang nars, at mga guro na ngayon ay mga caregiver at domestic helper. Ito ang masalimuot na katotohanan: hindi isinasama ng lokal na pamahalaan ang mga OFW sa pagtataya ng bilang ng empleyo at disempleyo kahit na ang penomenon ng migrasyon ng paggawa ay bunga ng kawalan ng trabaho sa bansa. Pero kung talagang susukatin ang lawak ng kawalan ng trabaho sa lokal na ekonomiya, dapat isaalang-alang na kung sana’y may mapagkukunang hanapbuhay na sumasapat sa kanilang pangangailangan ay hindi gugustuhin ng mga migranteng manggagawa na iwan ang kanilang pamilya para lang mamasukan sa ibang bansa.

Isa pang salik ng pagdami ng mga Pilipinong migranteng manggagawa ay ang mababang pasahod. Paulit-ulit na nababanggit ang realidad na kulang ang sweldo para tugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa at pamilya nito at ito na lang ang laging idinaraing ng mga miyembro ng Federation of Migrant Workers sa pangunguna ng kanilang Pangulong si Francisco Aguliar Jr. Inililinaw na hindi ito pangunahing bunga ng kagustuhan ng indibidwal na maghanap ng iba pang trabaho, kundi dahil itinutulak siya ng pangyayaring mababa ang sweldo at ‘di sapat ang kinikita para mabuhay ang pamilya. Mahalagang talakayin kung bakit sa kabila ng mga batayan para sa makatwirang pagtataas ng sahod ay higit na mababa ang pinagkaloob ng pamahalaan. Sa totoo lang, sadyang pinabababa ang halaga ng paggawa sa bansa dahil ito ang esensya ng “cheap labor policy” ng gobyerno.

B. Disbentahe ng pagiging OFW

Marami nang masasamang epekto ang naidudulot sa mga OFW sa paglisan nila sa kanilang bayang sinilangan. Sa katunayan, sa nakalipas na anim na taon, 537 kaso na ang dumaan sa mabusising kamay ng mga opisyales ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas. Dahil sa mga nakaaalertong pangyayaring ito, ilan sa mga tulong na ginagawa ng ahensiya ay ang pagtatalaga ng mga lokal na konsul at embahada ng Pilipinas na susuporta at handang umagapay sa mga kasalukuyang kondisyon ng mga OFW sa bansang pinagtatrabahuhan. May ibang nabigyan ng ‘pardon’ ukol sa ipinataw na death penalty at may ibang umuwi na lamang sa bansa na ‘tuwid na ang paa.’ Ayon kay Raymark Altrejo, isa sa mga propesor ng Ekonomiks sa isang paaralan, ilan sa mga kasaklap-saklap na kasong lagi na lang kinakaharap ng mga OFW ay ang tulad ng mga pangingidnap, hindi makatwirang pagmaltrato sa kanila ng amo, iba’t ibang uri ng pang-aabuso at ang matindi ay ang pamamaslang dahil sa ipinagtanggol lamang nila ang kanilang karapatan. Isa pa sa tila ‘kaaway’ na ng mga nangagarap na maging OFW ay ang mga tinatawag na ‘illegal recruiters.’ Ayon sa librong Gabay Bago ka umalis ng Bansa, ang mga ito ay nangagako ng mga bigating trabaho at kahina-hinalang mabilis ka kaagad matatanggap gawa na rin ng mabilis na pagproseso ng iyong mga papeles, partikular na sa kontrata upang makaalis ka kaagad ng bansa. Magagawa ka pa nilang maglabas sa bulsa ng mga katakot-takot na malalaking pera na lagpas na sa itinalaga ng labor and employment bilang paunang bayad o loan. Kapag napawalang bisa ang kaso o di naman kaya ay peke ang Visang ibinigay sa mga OFW ay uuwi na lamang sila sa bansang sinilangan ng luhaan. Ito ay dahil sa mahihirapan nang makabalik ang mga manggagawa dahil may rekord na ito sa kanilang pinirmhang kontrata pati na rin sa bansa kung saan nagawa krimen. Maaaring sabihin na kung lagi na lang ganito ang kahihinatnan ng mga OFW, bababa ang perang naipadadala na sumusuporta sa pagiging matatag ng ekonomiya at lubusan itong manghihina.

4 comments: