Saturday, March 20, 2010

Introduksyon

1.1 Paglalahad ng Suliranin

Paano masasabi na ang OFW ang nagpapabagal ng ekonomiya ng Pilipinas? Hindi ba’t ang OFW ang nagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng “remittances” na kanilang pinapadala?

Bakit ang gobyerno mismo ang nangunguna sa pagpapadala sa kanila sa ibang bansa?

Nagagarantisa ba ang pag-angat ng kalidad ng buhay ng mga OFW at ang kanilang pamilya sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa?

Karapat-dapat nga ba ang titulong “Bagong Bayani” sa mga OFW?

Ang pagpapadala ba ng mga “remittances” ng mga OFW ay nakakatulong sa mahihirap na Pilipino?

1.2 Layunin

Pangkalahatang Layunin

Mapatunayan na ang mga OFW ang nagpapabagal sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Tiyak na Layunin

Makatulong na makapagbigay ng mga datos at impormasyon sa kasalukuyang lagay ng ekonomiya.

Makatulong na makapagbigay ng kaalaman ukol sa mga salik na nakaaapekto sa pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa.

Makatulong na makapagbigay ng impormasyon ukol sa ambag ng mga OFW sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas.

Mapatunayan na isang kabulaanan ang pagpaparangal sa mga OFW bilang “Bagong Bayani” ng bansa.

1.3 Kahalagahan

Mahalaga ang pananaliksik na ito para sa bawat Pilipino dahil ito ang magbibigay ng katotohanan sa totoong kalagayan ng ekonomiya. Sa kasalukuyan, ang ekonomiya ng bansa ay umuunlad ngunit ang pag-unlad na ito ay napakabagal. Kaya naman mahalaga ang pananaliksik na ito dahil mabibigyan ng gabay ang pamahalaan ukol sa tamang pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Mahalaga ang pananaliksik na ito para sa mga manggagawang Pilipino dahil maiiwasan nila ang pagpaplanong umalis ng bansa na magdudulot ng pag-aaksaya ng oras at pagod. Mahalaga ang pananaliksik na ito sa bawat pamilyang Pilipino partikular na ang pamilya ng mga Overseas Filipino Workers dahil hindi na kakailanganin ng mga manggagawang Pilipino na lisananin ang bansa at ang kanilang pamilya dahil mauunawaan ng mga manggagawang ito ang kahalagahan ng pagbubuklod ang pagsasama-sama ng bawat miyembro ng pamilya. Mahalaga ang pananaliksik na ito sa bansang Pilipinas dahil ang dami ng lakas-paggawa nito ay hindi mababawasan na makakatulong sa pagiging produktibo at pagiging matatag sa gitna ng krisis pampinansiyal.

1.4 Rebyu/Pag-aaral

Nuevo, S., Nera-Lauron, M.T., Madula, R. (2009). Ekonomiks: PARA SA FILIPINO EDISYONG 2009. IBON Center, 114 Timog Avenue, Quezon City: IBON Books

Nakapaloob sa aklat na ito ang ilan sa mga krisis pang-ekonomiya na tinatamasa ng lokal na pamahalaan ng bansa. Dahil sa mga ito, hindi makayanan ng ekonomiya na bigyan ng trabaho ang lahat ng kabilang sa pwersa ng paggawa. Lalo itong nagiging mabigat na problema dahil mayorya ng mga nagdaragdag sa dami ng pwersa ng paggawa taon-taon ay hindi rin makahanap ng trabaho kaya ang iba ay napipilitang magtrabaho sa ibang bansa sa kakapusan ng suporta ng gobyerno.

Ople, S., (2008). Paalis ka na pala: Gabay para sa OFW. Manila, Philippines: Blas F. Ople Policy Center and Training Institute

Ang mga nilalaman ng aklat na ito ay tungkol sa mga wastong paraan at ilan sa mga paalala na kailangang malaman at sundin ng isang manggagawang nagpaplanong mag-OFW. Ilan din sa mga nakapaloob dito ay dapat ingatan ang perang pinapadala sa mga kamag-anak sa Pilipinas. Magtira lagi para sa sarili.

Cayetano, V. (1985). E.O. 857 FILIPINO OVERSEAS WORKER’S REMITTANCES: THE MULTIBILLION DOLLAR QUESTION. Quezon City, Philippines: Paragon Printing Corporation

Nilalaman naman ng aklat na ito ay ang tungkol sa nilagdaang Executive Order No. 857 na ipinatupad ng Rehimeng Marcos noong Disyembre 13, 1982. Nilalayon nito na kinakailangang magpadala ang mga migranteng manggagawang Pilipino ng kanilang remittances sa bansang Pilipinas at ang kapalit ng hindi pagsunod ay ang hindi pagbigay ng pasaporte at suspensyon sa listahan ng mga migranteng manggagawa. Ilan sa mga OFWs ay sumasakit ang ulo dito dahil ito raw ay imoral. Ang magandang tanong na lamang dito ay gaano katagal ang kakayanin ng ibang bansa ang mga OFWs?

Contreras, F.E. (2005). Overseas Filipino Workers. No. 5 Pryseo St., San Juan, Antique 5700: Hiraya Media Arts

Nasasabi dito ang ilan sa mga pribelehiyong nakamtan ng mga OFWs tulad na lamang ng hindi pagbabayad ng ‘travel tax’, ‘airport tax’, libreng seminar para sa mga magbabalik na OFWs at marami pang iba. Sinasabi rin dito na dahil sa pagdami ng mga migranteng manggawang naipapadala sa iba’t ibang bansa, ay lalo rin namang dumarami ang bilang ng mga iba’t ibang kasong kinahaharap nila tulad ng pang-aabuso sa kanila ng amo, rape, kasama na ang pamamaslang. Dahil sa mga nasabi, napapauwi na lamang ang mga OFWs sa bayang sinilangan ng bigo.

Sicara, P., (2008). Philippine Migration Journalism: A practical handbook. Los Banos, Laguna: Aglipay Publishing Company

Ito ay patungkol sa mga paggalaw ng lakas-paggawa ng mga mamamayan patungo sa mga mas malalaking tiyansa ng trabaho sa ibang bansa. Tinatalakay din nito ang iba’t ibang istorya ng mga migranteng manggagawa tungkol sa kanilang sibil at politikal na karapatan hindi lamang sa mga bansang pinagtatrabahuhan kundi pati na rin sa sariling bansa. Tinatalakay din nito ang mga paraan kung paano nagagawa ng mga gobyerno na hikayatin ang mga manggagawa na magtrabaho sa ibang bansa.

Torres-D’mello, Ph. D., A., (2006). Being Filipino Abroad. 1680 E. RODRIGUEZ AVE., CUBAO, QUEZON CITY: Saint Bernadette Publications Inc.

Dito naman ipinakikilala ang tinatawag na ‘1995 Magna Carta for OCW’ na naglalayong gabayan at protektahan ang mga mamamayang inaapi dahil sa hindi wastong pagmaltrato ng mga amo na animo’y ginagawa na silang alipin. Sinasabi rin dito ang masaklap na katotohanan na kahit na nasa ibang bansa na naghahanapbuhay ang mga Pilipino, sapat lang din ang kinikita nila, kulang pa nga sa panggastos sa nawalay na pamilya.

Marcelino, C. (2008). Lamat ng Pasasalamat. Direct to the point! !, 26-27.

Nakapaloob dito ang ilan sa mga papuring isinalaysay ng mahal na Pangulong Arroyo tungkol sa mga OFWs sa Japan. Dahil sa kanilang tulong ay nagawang makapaglunsad ng mga negosyo. Ito ay mga ‘small businesses’ na namumulaklak sa ibang bansa dahil sa mga ipinapadalang remittances. Sila na nga ang tinatawag ng pangulo na ‘major economic investors’ ng bansa.

Barcelona, N., (2008). Lumalakas ang Piso, nanghihina ang Pilipino. Action Man, 15.

Ikinukunsidera sa artikulong ito na nakaapekto rin sa pagpapadala ng remittances ng mga OFWs ang paglakas ng Piso kontra Dolyar. Sinasabi na ito ay manipestasyon ng paglakas ng pambansang ekonomiya ngunit ang katotohanan ay hindi talaga lumalakas ang piso, bagkus humihina lamang ang Dolyar dahil sa krisis pang-ekonomiya ng bansang Amerika.

1.5 Metodolohiya

Sa pagkalap ng mga datos o impormasyon kung saan makatutulong ito sa mas lalo pang pagpapalawig at pagsusuri sa kanilang pananaliksik ay magsasagawa ang grupo ng isang interbyu. Layunin ng interbyu na ito na sukatin at/o alamin kung ano na nga ba sa ngayon ang tunay na papel ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa. Layunin din nitong malaman ang kahalagahan ng pagpapadala ng kanilang remittances gayong sa reyalidad, may posibilidad na may napupuntang kahit maliit na bahagi nito sa mga korrupt na gawain na pamahalaan. Isa pa sa nilalayon nito ay para malaman ang kasalukuyang kondisyong tinatamasa nila sa mga nangyayari sa bansang pinagtatrabahuhan. Ang mga tugon ng interbyuwee ay magsisilbing pansuporta para sa isang malalim na pag-analisa ng mga datos. Magsasagawa rin ang mga mananaliksik ng malawakang pagsasaliksik sa mga nakalimbag na materyales o sa pamamagitan ng “internet” na may kinalaman sa ekonomiya at OFW at kukunin ang mga nakalap na mga datos at impormasyon na makakatulong sa pagsasatispika ng mga kakailanganin sa pananaliksik.

1.6 Saklaw at Delimitasyon

Sasaklawin ng pananaliksik na ito ang mga OFW na kinatawan ng Philippine Overseas Employment Agency, isa sa mga ahensyang tumutulong sa paghahanap ng trabaho para sa manggagawa sa ibang bansa. Dahil sa kakapusan sa oras, hindi na nagawa pa ng mga mananaliksik na kapanayamin ang ilan sa mga OFW Groups, na siyang maglalahad ng mga problemang kinahaharap nila tuwing panahon ng krisis pang-ekonomiya.

1.7 Daloy ng Pag-aaral

Ang daloy ng pag-aaral ay magsisimula sa pagsuri sa kasalukuyang lagay ng ekonomiya ng bansa. Dito makikita kung anu-ano ang kondisyon ng ekonomiya ng bansa, kung nananatili pa ba itong matatag o ito ay unti-unting bumabagal. Pagkatapos ay dadako na sa Overseas Filipino Workers at ang mga ahensiya ng pamahalaan na tumutulong dito. Dito malalaman kung ano ang tunay na konsepto ng Overseas Filipino Workers at ang iba’t-ibang ahensiya na tumutulong kapag sila ay may problema sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Malalaman din kung anu-ano ang ginagawa at proyekto ng mga ahensiyang ito upang matulungan ang mga Overseas Filipino Workers. Kasunod naman ay ang layunin at kahalagahan ng Overseas Filipino Workers. Dito ipinapakita kung anu-ano ang naambag ng mga Overseas Filipino Workers sa ekonomiya ng bansa. Pagkatapos ay ang epekto sa paglabas ng mga manggagawang Pilipino sa bansa. Dito naman ipinapakita ang mga ambag ng OFW sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa at ang mga salik kung bakit napapabagal ng OFW ang ekonomiya. Dito rin makikita ang “projections” na kung saan ipagpapalagay na kung ang isang manggagawang Pilipino ay dito magtatrabaho sa Pilipinas ay ano ang mga maiaambag niya sa ekonomiya ng bansa at kung ang isang manggagawang Pilipino ay magtatrabaho sa ibang bansa, anu-ano naman ang maiaambag niya sa ekonomiya ng bansa. Malalaman mula sa “projections” kung anong paraan ang mas magpapataas ng ekonomiya ng bansa. Kasunod naman ay ang kongklusyon, malalaman sa kongklusyon kung ang panukalang pahayag ay katotohanan o pawang opinyon lamang. Kasunod ay ang rekomendasyon, dito maaaring magbigay ng mungkahi kung mayroon pang mga pag-aaral na dapat pagtuunan ng pansin upang mas mabigyang linaw ang isyu tungkol sa pananaliksik na ito. Kasunod nito ay ang pagpapahalaga ng termino at mga sanggunian.

2 comments:

  1. maaari po bang magamit ang ilang impormasyon sa blog na ito?

    ReplyDelete
  2. reply po agad kailangan lng po sa project please.......

    ReplyDelete