Ang mga OFWs ay pumupunta sa iba’t ibang bansa para makahanap ng mas magandang oportunidad at para masuportahan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Sa kasalukuyan, tinawag ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga Overseas Filipino Workers bilang “Overseas Filipino Investor” o “OFI” dahil sila ay nag-aambag sa ekonomiya sa pamamagitan ng mga remittances, pagbili ng mga pag-aari at pagbuo ng mga negosyo. Ayon sa POEA, mahigit sa isang milyong mga Pilipino ang pumupunta sa ibang bansa kada taon para magtrabaho at makakuha ng mas mataas na sweldo. Sa pamamagitan ng “employment agencies” kabilang na dito ang Philippine Overseas Employment Administraion (POEA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administraion (OWWA), natutulungan ang mga manggagawanag Pilipino na mapadali ang kanilang pagluwas sa ibang bansa.
Ayon sa “Ekonomiks: Pinabago at Pinaunlad” at sa impormasyon na nakalap sa OWWA, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay isang ahensiya na nakalakip sa Department of Labor and Employment (DOLE). Ang pangunahing tungkulin ng Overseas Workers Welfare Administration ay protektahan at isulong ang kapakanan at kabutihan ng pamumuhay ng mga Overseas Filipino Workers at ang kanilang pamilya. Layunin din nila na pabilisin ang pagpapatupad ng mga nilalaman ng koda ng paggawa tungkol sa responsibilidad ng pamahalaan para isulong ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers. Responsibilidad din nila na tugunan ang mga serbisyong panlipunan ng mga Overseas Filipino Workers kasama na dito ang kanilang “insurance”, tulong sa mga sosyal na gawain, legal na tulong, kultural na serbisyo, at pagpapadala ng bayad na serbisyo. Layunin din nila na masiguro ang kahusayan ng pangongolekta at ang pagpapanatili ng pondo sa pamamagitan ng pamumuhunan at sa pamamahala ng mga patakaran na may kinalaman sa pondo nang sa gayon ay magamit ang mga pondong ito sa produktibo at episyenteng paraan. Layunin din nila na magsagawa ng pag-aaral at pananaliksik na nakatuon sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng panlipunan, pang-ekonomiya at kultural na aspeto ng mga Overseas Filipino Workers at palakasin, suportahan at pondohan ang mga proyekto para sa ikabubuti ng mga Overseas Filipino Workers.
Ayon sa impormasyon na nakalap sa website ng POEA, ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ay nabuo sa pamamagitan ng “Presidential Decree 797” noong 1982. Isinasaad sa probisyong ito na nabuo ang Philippine Overseas Employment Agency upang isulong at palakasin ang “overseas employment” sa pamamagitan ng mga iba’t-ibang programa para sa mga Overseas Filipino Workers at protektahan ang karapatan ng mga nabanggit sa mga bansa kung saan sila ay nagtatrabaho. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay maglathala ng lisensya para makapagtrabaho sa ibang bansa ang mga Pilipino, magpatupad ng mga sistema ng insentibo at kaparusahan sa mga pribadong sektor na kasangkot sa ilegal na pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers. Nagsasagawa rin sila ng mga pamantayan sa paggawa. Tinitingnan nila ang mga patalastas na nakalimbag, brodkast at telebisyon ukol sa mga impormasyon na binibigay nito na may kinalaman sa mga migranteng manggagawa. Pinapangasiwaan din nila ang programa ng gobyerno laban sa mga ilegal na “employment agencies”.
Ayon sa impormasyon na nakalap sa websayt ng DOLE, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay isang departamento ng pamahalaan na responsable sa paggawa ng mga polisiya, magsagawa ng mga programa at serbisyo, at maging ugnayan at kaagapay ng pamahalaan sa paggawa at empleyo. Ang DOLE ay isa ring ahensya na namamahala sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ang DOLE ay nagsimula noong 1908. Naging departamento ito noong Disyembre 8, 1933 sa bisa ng R.A. # 4121. Ang Department of Labor and Employment ay isang malaking ahensya ng pamahalaan na ang layunin ay gumawa ng mga polisiya, magpatupad ng mga programa at serbisyo at magsilbing kaagapay ng Pangulo ng Pilipinas sa paggawa ng mga polisiya sa mundo ng paggawa at empleyo. Ang organisasyon at layunin ng Department of Labor and Employment ay naaayon at nakapaloob sa pamamagitan ng E.O. # 126 o ang Koda ng Paggawa ng Pilipinas. Ang departamento ay namamahala sa mga batas na may kinalaman sa administrasyon at pagsulong ng paggawa at empleyo.
No comments:
Post a Comment